“Ang sarap talaga sa pakiramdam tingnan ‘tong langit kapag ganitong oras.” Ngumiti siya sa kawalan.
“Napilitan lang ako sumama rito,” parinig ko ulit sa kanya. Napagulo pa ako ng buhok at nilingon siya.
Pagtingin ko, nakasimangot na siya, naiinis na yata sa kanina ko pa bukambibig. Paano ba naman kasi, patulog na dapat ako pero nagyaya pang lumabas itong isang ‘to. Sa may palaruan lang daw kami kasi abot-tanaw ang kabilugan ng buwan. Sayang naman daw. Inaantok ako, iyon ang dinahilan ko, pero nanakot ba namang siya na lang daw mag-isa ang pupunta kung hindi ko siya sasamahan.
Nawalan ako ng pagpipilian. Kaya nandito ako ngayon sa tabi niya, alas dos ng madaling-araw. O baka hindi ko naman talaga siya balak tanggihan. Baka hindi ko talaga kaya.
Nang balikan ko siya ng tingin, nakapikit na ‘yong mga mata niya. Naglakbay ang paningin ko sa kanyang mukha, sa lampas balikat na haba ng kanyang buhok at sa suot-suot niyang pantulog kahit halata na ang nginig niya sa lamig.
At napaiwas ako ng tingin. Kasi ito na naman ako, nilalamon ng pag-ibig.
Wala sa langit ang tingin ko, nasa kanya. Ni hindi man lang umalis. O baka kahit gustuhin ko man, hindi ko rin kaya subukan. Hindi ko rin gusto alisin ang tingin ko sa kanya.
Bigla siyang lumingon sa akin pagkatapos ng ilang sandali. “Sana nandito si Archie, ‘no?”
Bumuntong hininga siya saka nagdagdag, “Gustong-gusto ko talaga ‘yong pinsan mo, Ben.” Napailing ako at sinubukang ihinga ang biglaang bigat nang palihim.
Ako naman ang tumingala ngayon sa langit. Saka ngumiti. At napagtanto: may mga pag-ibig talagang malabong mangyari.
May mga pag-ibig na makukuntento ka na lang sa tingin. Kahit kailan, imposible mong maangkin dahil subukan mo man, hindi sa ‘yo ibinigay ng langit.
Comments