top of page
  • Writer's picturePUP MNL JPIA-Link

After 2 AM Thoughts: Anniversary Gift


Hindi ako makatulog nang gabing iyon. Natapos ko na kasi ang sarili kong bersyon ng “100 Tula Para kay Stella” na regalo ko sana sa ‘yo para sa ating unang anibersaryo. Bago ko i-download mula sa Canva, sinigurado ko munang tama ang pagbaybay ng bawat salita. Binabaan ko rin ang tingkad ng kulay ng background upang mangibabaw ang mga letra tulad ng kung paanong mangibabaw ang iyong ganda sa tuwing nagpapakuha ng litrato tayong dalawa. Mula sa unang pahina, kinikilig pa ako habang binabasa ang pamagat na “Isang Daang Tula Kung Bakit Kita Minahal” hanggang sa huling pahina kung saan naman inilagay ko ang tingin kong pinakamagandang tula.


Madaling araw nang ipinadala ko ito sa iyong messenger. Gusto ko mang ibigay sa iyo nang personal bilang isang libro, imposible naman dahil nasa lockdown pa ang buong bansa noon. Alas dos nang umaga, sinadya ko ang ganitong oras upang masiguradong mahimbing na ang iyong tulog. Gusto kong masurpresa ka kapag nabasa mo na sa iyong paggising. Tantiya ko'y alas otso dahil noon pa ma'y mas gusto mong ikaw ang nauunang bumati ng magandang umaga sa ating dalawa. Hindi naman ako nagkamali. Pinusuan mo ang koleksyon ng tulang ibinigay ko at lubos na nagpasalamat.


“Hala! Hindi mo naman kailangan mag-abala pero maraming salamat,” sambit mo.

“Walang anuman!” sagot ko.


Doon pa lang ay busog na ako. Ni hindi ko na kinailangan ng kape at pandesal. Umaga pa lang ay puno na ng mga paruparo ang aking tiyan. Nasa sukdulan man ang nararamdaman ko sa mga oras na iyon, alam kong nagsisimula pa lang ang araw.

Makalipas ang dalawang oras, dali-dali kong binuksan ang aking cellphone nang marinig kong tumunog ito. Hudyat na may mensaheng dumating. Hindi ko napigilang ngumiti nang pangalan mo ang aking nakita. Binasa ko.


“Nabasa ko na ang lahat ng tula. Sobra kong nagustuhan pero sana huli na ‘to. Alam mo namang tapos na tayo. Kailangan mo nang mag-move on.”


Para akong nabuhusan ng malamig na tubig. Nagising sa katotohanan. Tama ka nga siguro. Kaya bukod sa regalo kong ito para sa hindi nangyaring anibersaryo natin, itinuring ko na rin itong regalo sa aking sarili—isang daang tula bago kita limutin.


Written by: C.M. Gale

14 views0 comments

Recent Posts

See All

FLAG THE PRIDE

Love – a simple feeling yet so complex in meaning. It branches out to almost all emotions and is regarded to be the universal language...

Comentarios


bottom of page